Wednesday, August 22, 2012

821


Malamig ang gabi sa unibersidad. Bawat silid, opisina, hallway at daanan, walang tao. Mag-isang naglalakad si Joan, dala-dala ang kanyang thesis. Pauwi na siya, ngunit tila takot na takot, na parang may sumusunod sa kanya. Ngunit paglingon naman ay anino lamang ang namataan. Maya-maya pa’y natanaw niya ang best friend niyang si Anya.

Magkasabay silang naglakad pauwi sa kanilang bahay habang nag-iistoryahan. Ngunit nabigla sila ng isang tila aninong nilalang na biglang umatake sa kanila. Malamang na ang pakay nito ay si Joan, ngunit si Anya ang nasasaksak sa kamatayan.

Isang tulalang Joan ang takot na takot na tumakbo patungo sa kanilang bahay. Pagbukas niya ng pintuan, tahimik ang lahat, ngunit di pangkaraniwang katahimikan. Nakakatakot. May biglang tumapik sa likod niya, na siyang ikinagulat niya. Paglingo’y iyon pala ay kanyang ina na si Monina. Niyaya niya ang kanyang anak sa hapag-kainan. Dito biglang napawi ang kaba sa puso ni Joan, habang magkasalo sila sa hapunan.

Isinama ni Monina si Joan sa isang mall upang mag-shopping. Pagkatapos masayang namili ang mag-ina, nakita ni Joan ang kanyang mga kaklase. Nagsabi siya sa kanyang ina na mauna na sa parking lot upang ilagay ang kanilang pinamili, dahil gusto niyang makausap ang kanyang mga kaibigan. Lumipas ang ilang minuto ng tawanan at kulitan, sumunod na si Joan sa parking lot. Ngunit laking gulat niya nang makita niya ang kanyang ina – duguan at wala nang buhay sa loob ng kotse. Sa takot at kaba, lumingap-lingap si Joan upang maghanap. Nakita niya ang isang nilalang na nakaitim na suot na may itim na pandong o hood. Kilalang-kilala ni Joan ito, sapagkat ito ang pumatay kay Anya. Hahabulin niya sana ito, ngunit bigla itong naglaho.

Niyaya ni Joan ang kanyang boyfriend na si Lucas upang ikwento ang mga nangyari sa kanya, ngunit ayaw maniwala ni Lucas sa kanya. Pag-alis ni Joan, bigla niyang naalala ang sinabi ng kanyang propesor na si Prof. Marasigan, tungkol sa isang “serial killer” sa kanilang lugar, at tungkol sa mga “doppelganger”. Minabuti ni Joan na magtungo sa kanilang aklatan upang maghanap ng mga kasagutan. Habang naghahanap siya ng libro ay nakasalubong niya si Prof. Marasigan. Ikinwento niya sa propesor ang mga nangyari, at naniwala naman siya. Tutulungan daw niya si Joan sa paghahanap dito sa misteryosong nilalang na pumapatay tuwing ika-8:21 ng gabi, at tinawag nila itong nilalang na ang “Chaser” o ang di-kilalang nilalang na ang totoong mukha ay nakatago sa loob ng kanyang itim na pandong.

Noong gabing iyon, may nag-miss call kay Joan. Natakot siya, ngunit nang makita niya, ito pala’y si Lucas. Maya maya’y may isa pang tumawag – si Prof. Marasigan. Inanyayahan niya si Joan na hanapin ang kanilang hinahanap na mamamatay tao sa isang liblib na lugar.

Pagdating ni Joan sa nasabing lugar, nakita na niya ang propesor. Naghintay sila ng matagal at naging alerto sa bawat takbo ng oras, sa bawat takbo ng mga minuto. Ngunit ni isang nakaitim, wala silang namataan. Maya maya’y biglang napatingin at napatitig sa kanya si Prof. Marasigan, na parang may kakaiba siyang naramdaman. Ngunit dahil dito ay nawala siya sa pagiging alerto, at napatay din ng Chaser. Walang nagawa si Joan kundi humagulgol sa takot.

Umiyak si Joan sa kanyang kotse sa parking lot ng kanilang unibersidad. Pagod, gutom, uhaw, at halos mabaliw sa takot at pagkalito ang kanyang kaluluwa. Biglang nag-text si Lucas. Tila ito’y galit sa kanya, dahil hinala niya’y kaya kasama niya ngayon ang propesor dahil sila’y may lihim na relasyon. Pinabulaanan ito ni Joan, ngunit hindi naniwala si Lucas, hanggang sa sila’t mag-away sa text na naging dahilan ng kanilang pag-break sa isa’t isa.

Ngunit hindi dito nagtapos ang lahat. Nagdesisyon din silang dalawang magkita ulit upang pag-usapan ang kanilang napag-awayan. Ipinaliwanag ni Joan ang kanyang istorya, na kaya siya sumama sa kanyang propesor dahil naniniwala ito sa kanyang mga istorya tungkol sa Chaser. Dito ay nagkapatawaran at nagkabalikan sina Joan at Lucas, at nagtungo sila sa isang hotel. Masaya na si Joan, dahil sa tingin niya’y ayos na ang lahat. Binuksan niya ang kwartong pagtutulugan nila ni Lucas. Ngunit ang tanging nakita niya’y isang Lucas na duguan at nakahandusay sa kama, habang sa bintana ay nakasilip ang Chaser, na nakangiti kay Joan. Halos mabaliw na si Joan sa sobrang takot, lungkot at pagkalito, ngunit nagdesisyon siyang lumaban. Nakita niya sa bag ni Lucas ang isang swiss knife at nagbihis siya. Pumunta siya sa liblib na kagubatan kung saan pinatay si Prof. Marasigan. Doon ay namataan niya ang Chaser. Pilit niyang hinabol ito hanggang sa kahuli-hulihang hininga niya. At sa wakas ay nahuli niya ito, at dahan-dahan niyang binuksan ang pandong na nagsilbing maskara ng kanyang tunay na mukha. Sa pagtingin niya sa mukha nito, biglang namuti ang mukha niya sa takot, sapagakat nakita niya ang kanyang sariling mukha. Sa sobrang takot at magkakahalong emosyon, nahimatay si Joan.

Nagising siya sa isang sementeryo. Umaga na, at maliwanag ang bughaw na langit. May apat tao na nakapalibot sa isang puntod, nag-alay ng mga bulaklak, at may kanya-kanyang binabanggit tungkol sa taong nasa ilalim ng puntod. Nakilala ni Joan ang mga taong ito: si Anya, ang nanay Monina niya, si Prof. Marasigan, at ang kanyang boyfriend na si Lucas. Lahat sila ay buhay at humihinga. Biglang nagtaka si Joan kaya’t tiningnan niya ang puntod at binasa ang pangalan: “Joan J. Marquez, ipinanganak noong ika-21 ng Agosto, 1991, namatay noong ika-21 ng Agosto, 2009. Alaala ng pamilya at mga kaibigan”.

--Wakas--

No comments:

Post a Comment