Wednesday, August 15, 2012

ETA SOULMATE


Facebook, Twitter, Friendster, MySpace, at iba pa. Sawa na si Alice sa mga social networking sites na ito. Ngunit isang araw, nakakita sya ng isang kakaibang social networking site:

http://etasoulmate.net/

Taong 2011. Naku, napakadaming kaso ng patayan, carnapping, bombing, at nakawan ang bumabalot sa bansa ngayon. At sa Lucena City, may isa pang ‘phenomenon’ ang nangyayari: maraming kabataan ang bigla nalang namamatay o misteryosong pinapatay. Sunud-sunod ang mga pangyayaring ito. Ngunit pawang iba’t-iba ang mga salarin.

Nag-register si Alice sa website na tinaguriang ‘ETA SOUL MATE’ o ‘ETA’, isang social networking site na para ding Facebook at Friendster, ngunit itim, puti, at pula ang mga kulay dito.

“Maiba naman.” Sabi ni Alice.

Ngunit ang unang araw ni Alice sa ETA ay hindi tulad ng kanyang inaasahan.

May nag-add sa kanya. Isang nagngangalang ‘Adam Flores’. “Naku, kapangalan pa nga ng kapatid kong namatay sa aksidente noon. Ang weird ha.” Sabi ni Alice.

Noon kasi, noong bata pa sila ng kanyang nakatatandang kapatid na si Adam, pauwi sila galing paaralan. Grade 2 noon si Alice at Grade 5 naman si Adam. Nilalagnat si Alice kaya sinamahan sya ng kuya nya pauwi sa bahay. Ngunit sa sobrang lakas ng ulan, hindi nila nakita ang daan. Nadapa si Alice sa putikan. At sa pagtulong ni Adam sa kapatid nya, bigla namang may dumating na napakabilis na kotse. Nailigtas ni Adam si Alice, ngunit kapalit ang kanyang sariling buhay.

Ngayon ay 18 taong gulang na si Alice. Hindi parin nawawala sa isipan nya ang ginawang sakripisyo ng kanyang kuya Adam. Inaccept nya ang friend request na may ngiti sa kanyang mga labi.

Ilang minuto pa ay nag-online chat sila.

Alice: Hi!
Adam: Hello Alice…nakababata kong kapatid. Kamusta ka na?

Hindi mapakapaniwala si Alice sa kanyang nabasa. ‘Hindi ba’t sampung taon nang patay si kuya? Eh sino naman to? Impostor?’ naisip nya.

Adam: Alam ko ang iniisip mo. Akala mo impostor ako o ginagamit ko lang ang pangalan ng kapatid mo. Pero sana maniwala ka. Ako ito, si kuya Adam mo.

Nagulat si Alice. ‘Nababasa nya pati laman ng isip ko?’ sabi nya sa sarili nya.

Alice: Sigurado ka? Magbigay ka ng patunay na kapatid talaga kita. Pero hindi eh. Ibig sabihin, may internet dyan sa kabilang buhay?
Adam: Ganun na nga. Alam mo ba, masaya ako dahil pagkatapos ng sampung taon, nagkausap din tayo. Hindi ko maipaliwanag ang ligayang nararamdaman ko ngayon. Kahit paniwalaan mo ako o hindi, basta masaya ako ngayon. Hehehe.
Alice: Hmm…ganito. Kung magpapakita ka sakin, kahit kaluluwa lang, tatanggapin ko na ikaw nga ang kapatid ko.
Adam: Sige ba! Gusto mo ngayon na?
Alice: Talaga lang ha? O sige. Wait kita.

Pumunta muna sa kusina si Alice para magtimpla ng kape. Ngunit nang kukunin na nya ang garapon na may asukal ay bigla itong lumutang sa ere. Napuno ng takot si Alice. Hindi sya makagalaw sa nerbyos.

“Totoo nga…ikaw nga ang kapatid ko…” sabi ni Alice. “Gusto kitang makita ngayon…”
“Hay naku Alice. Sa susunod nga, bumili ka na ng 3 in 1 na kape para hindi na ako mag-aabot ng asukal mo…hehe.” Sabi ng isang tinig na bigla nalang narinig ni Alice mula sa direksyon ng garapon ng asukal. “Araw-araw kitang nakikita, alam mo ba ‘yon? Pero since friends na tayo sa ETA, makakausap na kita. Kung gusto mo akong makita, tingnan mo nalang ang mga pics ko sa ETA profile ko.”

At pagkasabi ng tinig na ‘yon ay dali-daling bumalik si Alice sa laptop nya upang tingnan ang mga larawan ng kanyang kuya. Ngunit iba ang nakita nya: tila kasing-tanda na nya si Adam, ngunit syempre mas matanda parin ang kuya nya.

Adam: Oo, 21 na ako diba? Kung nabubuhay pa ako, ganito na ang itsura ko. Cute ko noh?
Alice: Ikaw talaga! Kuya nga kita. Lumalabas nanaman ang pagiging mayabang mo eh! Hehehe.
Adam: Syempre, kuya mo ako. Wala nang iba pa!
Alice: Sige, naniniwala na talaga ako sayo. Eh, bakit naman ngayon mo lang naisip na gawin ito?
Adam: Ngayon lang kasi ginawa itong ETA eh. Kaya ngayon lang din kita nakausap.
Alice: Teka teka, ibig sabihin, dito ka lang sa ETA nakaka-access? Sa Facebook ba? Eh sa ibang websites?
Adam: Hindi eh. Dito sa mundo namin, sa ETA lang ako nakaka-access at nakakapag-open. Pero at least nakakausap kita ngayon, diba?
Alice: Oo nga. Hindi ko nga alam kung panaginip ito o hindi eh. Pero masaya ako ngayon.
Adam: Ano ka ba? Sinabi ko na sayong totoo ito eh! Ayan humigop ka muna ng kape para malaman mong gising ka. Hehe.

At nagpatuloy ang ganitong gawain ni Alice sa ETA sa mga sumunod na araw. Kapag minsan ay tumatambay si Alice sa 7eleven gamit ang kanyang USB internet para lang maka-chat ang kapatid nya. Ngunit binalaan sya ni Adam na huwag ipapaalam kahit kanino tungkol sa website na iyon. Sumunod naman si Alice, dahil naisip nya, hindi din naman sya papaniwalaan kung sasabihin nya.

Nasa ibang bansa ang mga magulang nila. Mag-isa palagi si Alice sa bahay nya. Ngunit sa pagdating ni Adam sa buhay nya, tila bumalik ang dating saya noong bata pa sila.

Pero may nangyaring hindi inaasahan ni Alice.

Sampung araw matapos unang makausap ang kuya nya, may biglang kumatok sa pintuan. Pagbukas ni Alice ay namangha siya sa kanyang nakita: ang parehong lalaki na nasa profile pic ni Adam.

“Kuya Adam…ikaw ba yan…?” sabi ni Alice na may takot sa kalooban nya.
“Alice! Kapatid ko!” Dali-dali siyang niyakap ng lalaking ito na si Adam. Napaiyak sila pareho sa tuwa.
“Totoo ba talaga ito?” nagtaka si Alice. “Paano ka nabuhay ulit?”
“Gawa ng ETA.” Sabi ni Adam. “Binigyan nila ako ng pagkakataong makasama ka habangbuhay.”
Dito ay biglang natigilan si Alice. Kahit na sampung araw na ang lumipas ay sa tingin nya parin ay panaginip ang lahat.

“Nandito na ang kuya mo…wag ka nang malungkot.” Sabi ni Adam habang pinupunasan nya ang mga luha ni Alice. “Hindi na tayo magkakahiwalay pang mulit. Pangako yan.”

Tumambay sila sa itaas na balkonahe at nagkape. Dito ay ipinaliwanag ni Adam ang lahat.

“Ang mga kaluluwang katulad ko ay pwedeng magibang-anyo ayon sa gusto namin. Pinili kong maging ganito upang hindi magtaka ang mga tao at isiping may multo sa bahay mo. Ang ETA ay isang di-pangkaraniwang social networking website na mas makapangyarihan pa sa mga sites ng ‘mundong ibabaw’ tulad ng Facebook at Friendster. Ang gumawa nito ay isang pinoy din – si Bartino Bartolome, mas kilala bilang si ‘Sir Barty’. Mabait syang tao…kung hindi dahil sa kanya…hindi kita makakasama ngayon…”

Naguluhan lalo si Alice. “A-anong ibig mong sabihin? Psychic ba yung Sir Barty na yun? At paano ka napadpad dito?”

Niyakap sya ng kuya nya ng napakahigpit. At sa isang iglap, nagbago ang mga mata ni Adam. Tila nawala na sya sa sarili.

“Patawad…Alice…”

Sa pagkakasambit ng mga salitang iyon, biglang nakatanggap ng saksak si Alice sa likod nya. Lumayo sya at nakitang hawak ng kuya nya ang isang kutsilyong puno ng dugo.

“Ano ‘to? Bakit mo ako sinaktan? Impostor ka diba? Sabi ko na nga ba!”

At dali-daling tumakbo papalabas si Alice. Ngunit laking gulat nya ng bigla nyang nakita si Adam. Dala-dala parin nya ang kutsilyo, ngunit binitawan nya ito at muling niyakap ang kapatid.

“Hindi ako impostor, Alice.” Sabi ni Adam. “Kasama ito sa kasunduan naming mga kaluluwa kay Sir Barty.”

“Anong ibig mong sabihin?” Nagpupumilit makatakas si Alice, ngunit hindi sya pinaalis ni Adam.

“Mahal na mahal kita, kapatid ko. Kahit ano ay gagawin ko upang magkasama ulit tayo. Ang ETA ay isang social networking site ng mga kaluluwa. Hindi ito para sa mga buhay. Kahit si Sir Barty ay isang kaluluwa din. Sa pagkakasali ko sa website na iyon ay sinigurado ni Sir Barty na makakasama kita muli, dahil nakakonek ang site na ito sa mundong ibabaw. Ngunit may kapalit ang lahat. Ayon sa kasunduan ng pagkikipag-usap ng mga kaluluwa sa kanilang mga naiwan sa mundo, kapag na-access nila ang website na ito ay magkakaroon sila ng ilang araw na bangungot, at kapag nag-register sila doon, pagkaraan ng pitong araw ay papatayin sila ng kaluluwang unang nag-add sa kanila.”

Hindi maipaliwanag ni Alice ang kanyang nararamdaman. Takot, lungkot, galit…naghalo-halo na ang lahat.

“Buti nga at pinayagan ako ni Sir Barty na sampung araw, dahil naawa sya sa kwento natin.”

Maya-maya ay may dumarating na kotse – katulad ito ng kotse na nakabangga at nakapatay kay Adam noong maliit pa sila. Habang nasa gitna parin sila ng daan, biglang bumuhos ang malakas na ulan, katulad noong ‘araw na iyon’.

“Patawad Alice…pasensya na kung kelangan kitang saktan at tila traidorin sa huli. Pero sa pamamagitan nito…magkakasama na tayo habang buhay…”

Dahan-dahang binitawan ni Adam si Alice habang naglalaho sya. Binitawan nya ang mga salitang ito na may luha sa kanyang mga mata ngunit may ngiti sa kanyang mga labi:

“Alice Flores, aking nakababatang kapatid. Maligayang pagdating sa mundo ng ETA…ang mundo ng mga kaluluwa.”

At namatay din si Alice, sa parehong paraan na namatay ang kuya Adam niya.

Makalipas ang ilang araw, isang babaeng nagngangalang Veronica ang ngayon ay gumagamit ng laptop ni Alice. Siya ay ang kanyang matalik na kaibigan. Naalala kasi ni Veronica ang sabi ni Alice noon, na kapag sakaling nawala sya sa mundo, pwede nyang gamitin ang kanyang mga naiwan na gamit kahit anong oras.

Tumambay si Veronica sa 7eleven dala-dala ang laptop ni Alice na may kasamang USB internet. Sapagkat magaling sa computer si Veronica, tiningnan niya ang History ni Alice sa kanyang internet browser, ang Firefox. Doon ay nakita nya ang isang website:

http://etasoulmate.net/

Nakamasid sa malayo si Alice at ang kuya nyang si Adam, habang nagreregister si Veronica sa social networking site na iyon.

-WAKAS-

No comments:

Post a Comment