Thursday, September 6, 2012

Alimango sa Kaldero



Ako si Herpy at isa akong alimango. Kasama ko ngayon sa loob ng kaldero ang iba kong mga katropa na mga alimango din. Pero pinakahigit sa lahat sa kanila ay ang bestfriend kong si Tonton, na lagi kong kadikit kahit saan kami mapadpad.

Anumang oras ay lulutuin na kami ng chef para ihain sa mga kongresman na kakain dito sa sosyal na resto. At gaya nga ng “crab mentality” o “utak talangka” ng mga Pinoy, ang dati naming mga katropa ay biglang tumiwalag at tinakasan na kami isa-isa. Naghihigitan ang lahat at gustong makaalis sa mainit na kaldero. Syempre ikaw ba naman, hindi ba’t ayaw mo ring maluto ng buhay? Kaya’t ganun nalang ang aming pagtitiyagang makatakas din.

Nakalusot sina Mitch, Pato, Aning at Dolan, ngunit marami parin kaming mga naiwan dito. Maya-maya lang ay narinig ko na ang mga yapak ng kusinero. Kailangan na naming kumilos.

Si Tonton ay isang ulila kaya’t lagi ko syang kinakasama upang hindi siya malungkot. Iniwan siya ng kanyang pamilyang hindi man lang niya nakilala. Napagtanto ko na mas maswerte pa pala ako sa kanya, dahil kilala ko ang aking mga magulang ngunit lumayas ako mula sa kanila dahil nais kong matagpuan ang tunay na kahulugan ng aking buhay.

“Herpy, subukan mong umakyat at tutulungan kita.” Sabi ni Tonton ng nakangiti.

Hindi ko maintindihan ang ibig sabihin niya. Pero sa palagay ko ay tatakas kami pareho.

“Sige, Tonton!” Ang sabi ko na may ngiti rin.

Pumwesto si Tonton sa gilid ng kaldero at dali-dali akong tumungtong sa kanya at umakyat. Madaming humihila sa akin pero inalis sila ni Tonton at hinayaan akong makaalis. Ngunit nag-iba ang lahat ng si Tonton na ang sana’y aakyat.

“Herpy, andyan na ang kusinero, tiyak na papatayin lang nila tayo kapag hinintay mo pa ako. Tumakas ka na! Okay lang ako dito.”

Hindi ako pumayag. “Ano ka ba? ‘di ba bestfriends tayo? Pano na ako kapag wala ka? Dali, umakyat ka na!”

“Kahit gustuhin ko man ay hihilain parin nila ako pababa. At isa pa, wala naman akong pamilya na, kaya’t wala namang mag-aalala sa akin.”

“Ako!” sabi ko. “Itinuring kitang kapatid! Wag mo naman akong iwan!”

Ngunit nasa likod ko na pala ang kusinero. Dali dali akong tumakas papunta sa bintana, masakit man sa aking loob. Hindi ko na nailigtas si Tonton. Umiiyak ako habang tumatakbo papalayo sa bintana ng resto at papunta sa tabing-dagat.

Napadpad ako sa dati kong tahanan, at doon ay naghihintay ang aking ama’t ina, pati ang aking mga kapatid. Humingi ako ng tawad at nangakong hindi na muli maliligaw ng landas. Kinwento ko pati sa kanila ang ginawang kabutihan sa akin ni Tonton.

Ngunit sa sobrang sama ng loob ko, tumakas ulit ako kinagabihan at pumunta sa kusina kung saan nasawi ang aking kaibigan at iba pa naming mga katropang hindi nakaligtas sa apoy ng kusina.

Nakita kong may tubig pa ang kaldero, ngunit wala na itong laman. Dali-dali kong binuksan ang Gasul at tumalon sa loob. Balak kong sundan ang aking kaibigang sumakabilang-buhay na. Pero nabigo ako, dahil biglang namatay ang apoy. Yun pala ay ubos na ang gas. Malungkot akong umalis mula sa kaldero. Ngunit may isang bagay na biglang nakaagaw sa aking pansin…

May isang crab omelet na natira sa isang maliit na plato. Dali-dali kong nilapitan, inamoy at tinikman. Nanginig ako sa takot at kinabahan ako. Hindi ko alam kung bakit.

Maya-maya’y nakita ko ang bracelet na ginawa naming ni Tonton nung bata pa kami. Ito ay gawa sa seaweed at pinasuot ko sa kanya, bilang tanda n gaming pagkakaibigan. Nakalagay ito sa loob ng crab omelet at para bang sinadyang matira doon para lamang sa akin.

Ngayon alam ko na ang tunay na ibig sabihin ng pagbibigay ng sarili sa iba. Sana, kayong mga nakabasa ng kwentong ito, ganun rin ang gawin ninyo sa inyong kapwa. At sigurado akong matutuwa din si Tonton, kung nasaan man siya ngayon.

WAKAS

No comments:

Post a Comment